cellphone

Malaking bahagi ng modernong pamumuhay ang cellphone. Kung tutuusin ay isa ito sa mga bagay na unang tinitingnan pagkagising sa umaga at bago matulog. Pag nakalimutan ito ay binabalikan pa, dahil kung hindi ay hindi ka na mapakali buong araw. Nasa kolehiyo ako ng unang nagka-cellphone. Bago noon ay hindi pa kilala ang texting (puro tawag lang) at ang mga cellphone ay singlalaki ng pangkayod ng yelo para sa halo-halo. Bago pa lang ang prepaid noon at wala pang load na tig-30 peso lang. At ang pinaka-usong modelo ay ang nokia 5110 – yung may antenna pa ha. Pero matibay ang teleponong ito ha, kasi kahit maibagsak sya ay buo pa din! Syempre usong laruin sa mga cellphone ay ang snake, pataasan ng score dito. Wala pang picture messaging noon kaya meron lang nagtitiyang gumawa ng litrato gamit ang mga punctuation marks. Malikhain nga naman kasi nakakagawa ng mga iba’t-ibang hugis mula dito, kadalasan ang mga text na ganito ay finoforward na lang.  Hindi rin lahat ay may cellphone kaya uso pa noon ang phonecard para sa mga payphones. Iba-iba pa nga ang disenyo nito at di na kinakailangan pa maghanap ng barya para makatawag.  Pero ngayon, lahat na ata may cellphone! Simula pa lang ng grade school, ang ibang estudyante ay marunong nang mag-text! Aba, noong high school ako ay beeper pa nga uso!

Nang nakarating ako dito sa Amerika ay naranasan kong walang cellphone ng halos isang taon! Aba di ko inaakala na kakayanin ko pala yun. Sa totoo lang ay hindi sya nakaka-miss. Yun nga lang, talaga namang nagugulat ang ibang tao kapag sinasabi kong wala kong cellphone, akala mo naman ay may ginawa na kong krimen sa kanilang mga reaksyon – “What?! no cellphone? I can’t live without my phone!” At ngayong nakabili na ko ng cellphone ay naninibago naman na ko. Nakakalimutan ko ito madalas, pero tulad ng dati ay sanayan lang ulit. Siguro nga kaya ko naman mabuhay ng walang cellphone. Pero dahil nga nakakapagmaneho na ko mag-isa ay nag-aalala ang aking asawa. Mabibilis nga naman magpatakbo ng sasakyan ang mga tao dito, kaya ayun nagkacellphone tuloy ako bigla! Yun nga lang, nakakalungkot dahil hindi ko pwedeng gawing textmates ang mga kaibigan ko sa Pinas, kasi ba naman ay mahal magtext mula doon – P15.00 lang naman bawat isa! Kaya naman sa chat na lang kami mag-uusap – libre pa!

Unang beses kong magkaroon ng cellphone na de-linya. Di uso ang prepaid dito, wala nga namang sari-sari store na mabibilan ng load. Halos lahat ay may linya na binabayaran buwan-buwan. At mas komplikado mga cellphones nila dito. Di lang basta-basta dapat tawag at text lang ang nagagawa pero dapat pwedeng magbasa at makatanggap ng email, voice mail at kung anu-ano pang applications. Eh kuntento naman na ko sa basta may pantawag at text ay ok na! Wala akong tiyagang mag-surf sa internet gamit ang cellphone dahil maliit nga naman ang screen at keypad, mabagal pa!  Pero siguro dito, gusto nila ay parati silang updated sa lahat ng pangyayari at dapat makatanggap agad ng balita. Masyadong “fast-paced” kasi ang pamumuhay dito, parang parati na lang sila nauubusan ng oras. Yun namang ibang modelo ng cellphone nila ay buong keyboard ang pwedeng gamitin (parang sa computer lang), pero nahihirapan akong gamitin kasi nga naman maliliit ang letra kaya napipindot ko pati yung katabing letra! Kaya mas ginagamit ko ang Pinoy-styple, gamit lang ang hinlalaki! Aba mabilis kaya mag-text ang mga pinoy, yung iba nga hindi pa nakatingin! Kailanga ko ding matutunan ang text lingo nila dito – syempre di ko na pwede gamitin ang mga tipong “wer na u d2 na me!” Dito mga acronyms ang gamit nila katumbas ng isang pangungusap na tulad ng: T+ – Think positive; G2GCYL8R - Got to go, see you later; 10X – thanks. Parang bagong lengguwahe lang ulit!

Naaalala ko tuloy ang pagbili ng load sa pinas. Isusulat mo ang numbero mo sa listahan pati kung magkano ang gusto mong load, pagkatapos lang ng ilang segundo ay may load na! Kaya nga may mga tindahan na mga gamit pang-cellphone lang ang tinitinda nila – load, cards, cases at mga palamuting pang cellphone. Napapaisip tuloy ako na kung sa Pinas lang may ganitong sistema, galing naman ng Pinoy! Syempre patok sa Pinoy ang pagloload ng tingi lang at syempre unlimited texting din ito ng buong araw. Yun nga lang sa mga kaparehong network mo lang, kaya naman pag may nagtext na ibang network pasensyahan na lang kung di nagreply.

Sa panahong wala akong cellphone ay naisip kong hindi naman pala ito nakamamatay – buhay pa naman ako. Kakayanin naman pala ng wala nito. Yun nga lang dahil sa panahon natin ngayon na dapat alam ng lahat kung nasaan ka at kung anong ginagawa mo ay parang kinakailangan ito. Kaya ayun, uso tuloy ang mga nale-late sa tagpuan – pero ibang usapan na yan.

2 responses to this post.

  1. :) nakakatuwa yung text linggo ha..di ko rin alam yan…pwede post ka pa ng ibang text linggo nila :)
    sige “G2G…my work pa me” . hanggang sa susunod napost mo.

    Reply

  2. sige doreen, maglilista ako ng iba pa para pwede mo ding magamit! :)

    Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.