Usapang pagkain uli tayo – ito kasi ang isa sa mga namimiss kong talaga tungkol sa Pilipinas. Yun bang lutong-bahay na kanin at ulam – adobo, pork sinigang, dinuguan, sisig, arroz caldo, barbecue, kare-kare at madami pang iba. Kaya ko namang lutuin ang karamihan ng mga putaheng pinoy, yun nga lang parang iba pa din ang lasa. Yung ibang sangkap kasi ay mahirap hanapin dito. At iba pa din pag kumakain kasama ang pamilya at mga kaibigan.
Dahil nga marunong akong magluto at walang problema sa akin na ako ang tagaluto sa bahay, ay nabigla ako sa dami ng frozen food nila dito sa Amerika. Yun bang handa na yung pagkain, yun nga lang kailangang iinit sa microwave o di kaya sa oven. Kaya naman importante sa kanila ang microwave at oven. Di tulad sa Pinas, basta may kawali, kaldero at kalan ay ok na. Sanay pa naman akong sariwa ang mga sangkap at iluluto ang mga ito. Sa wika nga nila ay – “cook from scratch”. Para maipakita ko sa inyo ay kinunan ko ng litrato ang ilan sa mga ito na nasa freezer namin ngayon.
Ayan ang mga karaniwang frozen food na mabibili dito. Yung iba ay may sariling lalagyan. Para bang tray na nahahati sa dalawa o tatlo (depende kung ilan ang putahe), tapos may manipis na plastik lang na nakatakip dito. Kadalasan ay chicken nuggets ang binibili namin – dahil paborito ito ng asawa ko. Meron ding mexican food, chinese food at meron pa ngang pizza! Kaya naman puno ang freezer namin ng ganitong klaseng pagkain. Pero bihira ko itong hinahanda. Kasi naman pakiramdam ko ay madaming preservatives ito na hindi maganda para sa katawan. Mas gugustuhin kong magluto na lang kahit mas matrabaho ito.
Siguro ay uso ang ganitong uri ng pagkain dito sa Amerika dahil mahalaga para sa kanila ang oras. Parang parati kasi silang nagmamadali at wala nang oras para magluto. Kasi naman ang mga frozen food ay mga 5 minuto lang sa microwave ay ayos na – pwede nang kainin! Syempre depende rin yan sa kung anong pagkain dahil yung iba ay kinakailangan ng mas mahabang panahon sa microwave o di kaya sa oven. Pero yun nga lang, simpleng-simpleng proseso lang ito: tanggalin ang balot, ipasok sa microwave o oven at hintaying uminit ng husto – tapos may hapunan ka na. Kung para sa mga taong lunod sa trabaho ay maganda nga ito. Masarap din naman ang mga pagkaing ito, at halos walang kailangang nang hugasan na gamit sa kusina. Yun nga lang hindi sariwa ang lasa – kung baga nga, pwede na rin.
Naiisip ko nga tuloy, pagdating ba ng panahon ay puro na lang ganito ang kakainin ng pamilya ko? Huwag naman sana, sayang naman ang kinalakihan kong mga pagkain na hindi mabibili na frozen. At masaya naman akong nagluluto, hindi ata lahat ng tao ay marunong magluto!






