el tigre

Nasa balita na naman si Tiger Woods (El Tigre sabi nga ng asawa ko) dahil sa wakas ay nagsalita na siya at humingi ng paumanhin sa kanyang pakikiapid. Aba, matagal-tagal din syang nasa balita ha… ilang buwan na din. At hindi pa napapagod ang mga tao kakadinig tungkol sa kanya. Lahat na ata ng taong nakapaligid sa kanya ay nagsalita na, syempre nangunguna na dito ang mga kabit nya. Oo nga naman, pagkakataon na nilang maging sikat kahit sandali lang – “15 minutes of fame” eka nga! At ang palusot pa nila kadalasan ay gusto lang nilang malaman ng lahat ang kanilang kwento, na biktima din sila ni El Tigre. Tingnan mo naman o, paano sila naging biktima eh alam naman ng lahat na may asawa at pamilya si El Tigre? Ang hindi lang nagsasalita mula noong umpisa pa ay ang kanyang asawa at pamilya, kawawa naman… parati na lang silang nasa balita at sinusundan ng media sa kung saan man sila magpunta. (Papparazzi nga sabi ni Lady Gaga)

Madami-dami ring haka-haka sa kung saan nagpunta at nagtago itong si El Tigre nitong mga nakaraang buwan. Merong nagsasabing nasa ibang bansa siya, meron namang sa iba’t-ibang estado dito sa Amerika.. pero ang pinakamatunog ay ang nagsasabing nasa isa siyang sex rehab. Meron pa ngang malabong litrato na sinasabing kuha niya na lumalabas ng gusali sa isang kilalang rehab center. Pakiramdam ko tuloy parang ET o Bigfoot lang si El Tigre kasi parating hinahanap at may malalabong litratong pinalalabas. Syemrpe hindi ka naman makasigurado kung sya nga yun.  

Ano nga ba ang pinagmulan ng kontrobersyang ito? Kasi naman nabangga ni El Tigre ang kanyang sasakyan sa puno sa tabi ng bahay nila. Noong una ay simpleng balita lang to, aba nag-aalala pa nga ang iba. Pero ang nagpasabog ng kontobersya ay ang oras kung kelan ito nangyari – madaling araw! Saan ka ba naman kasi pupunta ng madaling araw? Kaya yun, parang bombang bumagsak kay El Tigre! Naglabasan bigla ang kanyang mga kabit… hindi lang isa ha, higit pa nga ata sa sampu sa huling bilang. Parang kabute lang kasing nagsusulputan ang mga babaeng ito. Hindi lang syempre sigurado kung nagsasabi sila ng totoo o nakikisabay lang sa uso para nga naman sumikat. Kaya naman sa balita ay may update pa – ilang na nga ba ang kabit ni El Tigre ngayong araw na to?

Naku, parati na lang siya nasa balita mula noong araw na yun. At hindi lang sa balita ha, pati sa mga iba pang palabas tulad ng sa late night – siya ang parating tampok na joke! Nakakatawa nga naman ang mga joke nila – mga tungkol sa bilang ng kabit nya, sa pagmamaneho niya, at syempre tungkol sa asawa niya. May isang skit pa ngang ginawa ang isang palabas na kung saan pinalabas na under de saya si El Tigre! Puro na lang nga katatawanan, kasi nga naman etong isang sikat na taong ito ay may kahinaan din pala!

Sinayang nga naman ni El Tigre ang  kanyang tagumpay at kasikatan – at para saan? Madaming syang endorsements na umurong na at hindi na siya makapaglaro ng golf sa ngayon. Tingnan mo nga naman – bata pa lang ay sikat na siya sa galing at talento niya sa golf, parati na lang siyang inaabangan. Sa tingin ko nga ay siya ang nagpasikat at nagpa-uso sa golf! Naging milyonaryo siya, sikat at may magandang pamilya – pero siguro ay hindi siya kuntento dito at naghanap pa ng ibang libangan. Yun nga lang – kabit ang naisipan niyang gawing libangan, may kabit na – may nakasabit pa!

Emosyonal ang kanyang pagsasalita sa media, pero bawal ang magtanong. Kung baga, kontrolado niya ang lahat ng pangyayari – magsasalita lang sya, tapos tapus na. At malamang ang ginawa niyang statement ay ilang beses na binago at hinasa ng mabuti. Hindi ko alam kung maniniwala ako sa lahat ng sinabi niya, pero sa tingin ko ay tama naman siya ng sinabi niyang dapat lubayan ng media ang kanyang pamilya. Oo nga naman, kawawa naman yung asawa at anak niya – kinukunan ng litrato kahit saan. Eh kasi naman, wala si El Tigre para makunan ng litrato kaya syempre pamilya ang puntirya nila!

Pero hanga ako sa asawa niyang si Elin. Hindi siya nagsasalita sa media para siraan lalo si El Tigre, bagkus ay nag-uusap lang sila ng pribado ng mag-asawa. Kaya ang katanungan ngayon ay mananatili ba si Elin o hihiwalayan si El Tigre. Madali lang niyang makukuha ang diborsyo lalo na’t napakadaming ebidensya ng pakikiapid ni El Tigre. Sabi nga ni Elin kay El Tigre - ang paghihingi ng paumanhin ay hindi makikita sa salita, kundi sa gawa. Oo nga naman, madali lang magsabi ng bagay-bagay pero ang mahalaga ay panindigan ito. Kung ako sya, malamang ay hiwalay ang sagot ko! Pero kanya-kanyang opinyon naman yan at may sariling mga dahilan na hindi alam ng lahat.

Sa ngayon ay ipagpapatuloy ni El Tigre ang kanyang therapy at treatment. At para sa kanya ay Buddhism ang kasagutan sa kanyang problema. Aba, hindi lang siya ang unang sikat na taong naging relihiyoso sa harap ng kontrobersiya (naalala ko tuloy si bad boy Robin Padilla). Hindi muna siya maglalaro uli – pero ang kanyang huling salita ay “believe in me again”. Kasi nga naman sira na ang kanyang reputasyon at integridad – mapapatawad pa kaya siya ng publiko at tatanggapin muli?

http://www.youtube.com/watch?v=q349YczkqFk

http://www.examiner.com/x-35831-Celebrity-Headlines-Examiner~y2010m2d19-Tiger-Woods-public-statement-recap-VIDEO

http://www.livestream.com/usa_today1

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.