Isang taon na ang nakakaraan ng ako ay umalis sa Pilipinas at lumipad patungo sa Amerika. Ito ang pinakamalayong byahe ko at unang pagsakay ng eroplano palabas ng bansa. Suma-total ay tatlong beses pa lang ako nakakasakay ng eroplano, ang destinasyon ko – Ilo-Ilo, Cebu at Amerika. Hindi kasi ako katulad ng iba na mahilig maglakbay sa iba’t-ibang lugar. Naiinip kasi ko sa biyahe, gusto ko nandun na agad. (Parang mag-”apparate” lang tulad ni Harry Potter) Ang flight ko ay 18 hours, hindi pa kasama dun ang paghihintay ko sa connecting flight ko ha mula Honolulu patungong mainland US. Pero dahil nga nauuna ang Pilipinas ng 15 oras, ay walang araw na nasayang. Umalis ako ng Huwebes ng gabi mula sa Pilipinas, at nakarating sa Amerika ng Biyernes ng madaling araw! Ang maganda dito ay walang jetlag – natulog lang ako sa biyahe at paglapag ay umaga na!
Noong mga linggong naghahanda akong umalis ay wala akong hinindiang lakad! Lahat sinamahan ko, dahil kung hindi ay laking pagtutukso ang aabutin ko. Tsaka gusto ko rin naman syempre dahil ma-mimiss ko sila (hikbi!) Kaya ayun, nanood kami ng concert (rihanna at chris brown noong bati pa sila), nanood ng sine (He’s just not that into you), at tambay kung saan-saan. At noong huling araw ko sa Pilipinas ay tinanong ako ng nanay ko kung anong special request kong pagkain -ang pinili ko ay Chickenjoy, walang kaduda-duda! At isa yan sa unang pagkaing na-miss ko dito. (nagpunta kami sa isang chicken fast food dito noong natatakam ako sa Chickenjoy pero syempre iba pa din ang lasa.) Ang pinakamalapit na Jollibee sa aming bahay ay aabutin ng 8 oras na biyahe! Aba, inilista ko pa nga ang mga pangyayari noong huling buwan ko Pinas.
Ngayong isang taon na nga akong naninirahan sa ibang bansa ay naisip ko tuloy kung ano na ba ang nagawa ko. Syempre unang-una ay nagpakasal at inayos ang aking papeles dito. Para nga naman hindi ako TNT! Madali lang naman ang proseso, kung baga nga ay basta sundin lang ang panuto ay ayos ka na. Lahat ng kinakailangan kong ID para manirahan dito ay ayos na rin (state ID, Social Security, Fingerprint card, green card, employment authorization card, drivers license, atm card, insurance card - ang dami no?) Naisip ko nga na sa Pinas ay employee ID lang ang gamit ko! Natuto na din akong magmaneho, dahil nga naman sa Pinas ay hindi naman talaga kinakailangan ito. Pina-evaluate ko na din ang transcript of record ko (para ito sa paghahanap ng trabaho). Nakapasa na din ako sa state board exam para sa mga guro. Nakipag-kaibigan na sa mga tao dito (nosebleed na ito!). Pero ang hindi ko pa lang nga nagagawa ay makapagtrabaho. Ewan ko lang kung dahil ba ito sa wrong timing ng aking pagdating dito, kasi naman masama ang ekonomiya nila sa ngayon. Minsan nga naiisip ko kung dahil ba ito sa diskriminasyon? (ibang kwento na yan!) Kaya eto, isang taon na kong housewife – luto, linis, laba (tatlong L!) ang aking pinagkakaabalahan. Hindi naman sa nagrereklamo ako, pero sanay kasi akong may sariling lakad, sariling pera, at sariling diskarte. Alam ko namang magbabago din ang lahat, yun nga lang nakakainip kasi.
Bago ako napadpad dito sa Amerika ay inaakala kong magiging madali lang ang paglipat ko. Kung baga ay makaka-adjust din ako agad, makakapagtrabaho at tuloy ang buhay na nakasanayan ko. Hindi pala ganun kadali! Hay nako, nalunod na ako sa mga papeles, sa dami ng ID na kailangang ayusin at kung anu-ano pang kailangan kong gawin para maging maayos ang estado ko dito. Kahit saang sulok ng mundo ka pala mapadpad ay may pila, may gobyernong kailangang sundin at syempre wala ka namang magagawa kundi sumunod. Kung ako lang, basta gusto ko nang magkatrabaho.. masyado nang mahaba ang bakasyon ko!
Posted by ka-ye on March 29, 2010 at 8:56 pm
iniwan mo ko!!! hmp